Ang Purgatoryo ayon sa
pagsasalarawan ng Iglesia Katolika
ISA SA MGA LAGANAP na aral ng mga kababayan nating Iglesia Katolika hanggang ngayon ay ang kanilang paniniwala ukol sa tinatawag na Purgatoryo. Lugar di umano ng mga kaluluwa ng mga namatay na hindi pa lubos na nakapagbabayad sa nagawang kasalanan noong nabubuhay pa: kasalanang hindi maituturing na matindi o napakabigat. Sapagka’t hindi pa raw sila maaaring itahan sa langit o sa impyerno.
Ito ang isa sa kanilang katangi-tanging aral na wala ang marami sa ibang mga relehiyon. Ngunit atin po mulang alamin: Ano po ba ang pagtuturo ng awtoridad katoliko ukol sa tinatawag nilang Purgatoryo? Matatagpuan ba mismo ang terminong ito sa Biblia? Sasagutin po tayo ng isa sa kanilang mga aklat:
“Where in the Bible is the word ‘Purgatory’ found? The word Purgatory is not found in the Bible;…” [The Question Box Answers, by Rev. Fr. Bertrand Conway, pp. 562]
Pagkakaliwat sa ating wika:
“Saan sa Biblia matatagpuan ang salitang ‘Purgatoryo’? Ang salitang Purgatoryo ay hindi matatagpuan sa Biblia;…”
Ayon mismo sa pag-amin ng isang Paring Katoliko; ang salitang ‘Purgatoryo’ anya ay hindi matatagpuan sa Biblia. Ito po ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit kaming mga Iglesia Ni Cristo ay hindi naniniwala sa Purgatoryo, sapagka’t wala nga naman ito sa Biblia.
Ngunit alang-alang po sa mga hindi pamilyar dito sa tinatawag nilang Purgatoryo, alamin po natin kung ano ba ang paliwanag ng Iglesia Katolika ukol sa Purgatoryo? At sinu-sino ba ayon sa kanila ang makararating dito? Ito naman po ang sagot ng isa rin nilang aklat:
“Ang purgatorio ay
isang pook na sangagan na kinalalagyan ng mga kaluluwa ng nangamatay sa mahal
na grasia ng Dios, datapwa’t hindi pa naka-pagbayad dito sa lupa ng boong
pagbabayad sa tapat na katarungan ng Dios dahil sa mga kasalanang munti o dahil
sa parusang may hanggan hindi pa ipinatatawad. Ang dinadalita ng mga kaawaawang
kaluluwa sa purgatoryo ay ang hindi pagkakita sa Dios at maraming sari-saring
hirap at sakit. Wala silang magagawa sa sarili nila upang makaalis sa kanilang
kapahamakan. Nguni’t tayong nabubuhay pa dito sa lupa ang makatutulong at
makapagbabayad ng kanilang utang sa Dios. Tayo ay makatutulong sa kanila sa
paraan ng mga pananalangin, ng mga indulgensiang ipinatutungkol sa kanila, ng
mga paglilimos at ng ibang gawang kabanalan, lalong lalo na sa paraan ng
sakrifisio ng Santa Misa. Ang mga kaluluwa ay magluluwat sa purgatorio hanggang
sa masangag at maging malinis.” [Siya Ang Inyong
Pakinggan, Ang Aral na Katoliko, by Rev. Fr. Enrique Demond, pp. 71-73]
Mga giliw po naming mambabasa, ayon po sa paliwanag ng isa rin Paring Katoliko; ang Purgatoryo anya ay isang pook sangagan na kinalalagyan ng mga kaluluwa ng nangamatay sa mahal na grasya ng Diyos. At ang mga mapupunta raw po doon ayon sa kanila ay ang mga hindi pa nakapagbabayad dito sa lupa sa tapat na katarungan ng Diyos dahil po sa mga kasalanang munti, o dahil sa parusang may hanggan na hindi pa ipinatatawad.
Isa pa sa mga nabanggit sa aklat na ating binasa ay makatutulong din daw po ang mga taong nabubuhay pa sa mga nasa Purgatoryo sa pamamagitan anya ng pagdarasal na siya pong ginagawa ng mga Katoliko kapag dumarating ang tinatawag nilang ‘Araw ng mga Kaluluwa’ o ‘All Souls’ Day’ tuwing buwan ng Nobyembre.
Ngunit, sangguniin naman po natin ang Biblia. Sang-ayon po ba sa Biblia ang paniniwala nilang ito? Mayroon nga po bang mapakikinabangan ang mga kaluluwa ng mga nangamatay na nasa Purgatoryo raw sa anumang gawin ng mga nabubuhay pa rito sa lupa para sa kanila?
ECCLESIASTES 9:5-6 “Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.”
Ayon po mismo sa Banal na Kasulatan, ang mga namatay na ay wala nang magiging bahagi pa magpakailanman o sa anumang mga ginagawa ng mga buhay sa ilalim ng araw. Kaya hinding hindi po totoo na nakikinabang pa ang mga patay sa mga ginagawa ng mga taong nabubuhay para sa kanila. Kaya malinaw rin po lalo na sa aming panig na ang aral na ito ay hindi ikapagtatamo ng kaligtasan sapagka’t bukod po sa wala ito sa Biblia, labag pa sa aral ng Biblia ang nakapaloob na aral s a tinatawag po nilang Purgatoryo.
Hanggang dito na lamang po muna ang ating bahagi. Itutuloy...
No comments:
Post a Comment